Lumaki ako ng wala ang tunay kong nanay sa tabi ko. Dala ng kahirapan sa buhay, napilitan syang mag-abroad. Limang taon ako noon, hindi pa ako nag-aaral at wala pa akong crush sa mga boys. Usong uso pa rin ang cornik na Corn Bits noon.
Naiwan kaming magkapatid sa pangangalaga ng kapatid ng nanay ng nanay ko. Kinailangan naming lumipat ng tirahan mula sa Gonzaga, Cagayan patungong San Jose City, Nueva Ecija.
Noong una, akala ko masungit ang kapatid ng lola ko. Hindi ko pa kasi siya kilala noon. Divina ang name nya - parang pangkontrabidang name. Parang Bella, Odette o kaya Celia. Later ko na lang naisip na ang English translation pala ng pangalan nya ay divine o heavenly.
Divine. Heavenly. Bagama't hindi kami nanggaling sa kanya, minahal nya kaming magkapatid na parang mga tunay nyang anak. Siya ang tumayong ina para sa amin at hindi sya pumalya sa pinili nyang papel kailanman. Paggising pa lang sa umaga, nakahanda na ang almusal namin. Isa sa mga talent nya ang magluto. Masarap talaga siyang magluto at bawal kaming lumiban sa hapag-kainan tuwing oras ng pagkain. Lagi ring malinis at plantsado ang uniform naming pamasok. Palagi kaming malinis. Kapag nakita nyang mahaba na ang kuko namin, hindi talaga sya titigil ng kakatalak hanggat hindi nya kami nakikitang nag-ne-nail cutter. Hanggang sa gabi, masaya nya kaming tinuturuang magbilang at kinukwentuhan ng tsismis tungkol sa mga kapitbahay. Lumaki kaming may disiplina. Mayroon kaming mga takdang gawain sa bahay katulad ng paghuhugas ng plato, pagwawalis sa bakuran at pagbubunot ng uban. May oras kami ng panonood ng telebisyon at mas maraming oras para sa pagaaral ng leksyon sa paaralan. Hayyy, ang buhay noon!
Salat kami sa maraming bagay noon, pero hindi sa pagmamahal. Busog na busog kami doon. Tahimik ang pamumuhay namin. Hindi marunong makipag-away ang Mama Diving ko. Napakabait kasi. Mas gusto nyang iwasan ang mga taong may ugali at nagmamaasim. Kaya kami rin, hindi marunong makipag-away. Kahit na ngayong mataray ako, ayoko pa rin ang nakikipag-away at ang komprontasyon. Mas madalas, pinipili ko ang umiwas sa mga taong hindi ko gusto ang pananaw sa buhay. Silent treatment. Ayoko ng gulo at mas lalong ayokong magpasimula nito. Kaya mahaba rin ang pasensya ko. Maliban na lang pag inaway na ang mga mahal ko sa buhay. Ibang usapan na 'yon!
Napakalaki ng pagmamahal at pasasalamat ko kay Mama. Tinawagan ko siya kanina at binati ng maligayang kaarawan. Na-mi-miss ko na ang lumpiang sariwa nya at spaghetti. At sobrang na-mi-miss ko na rin ang pag-aalaga nya sa amin ng bonggang bongga. Love you, Ma! Happy Birthday!